“Buklat. Basa. Lakbay” :: DepEd Region IX
DepEd Region 9 Deped Regional Office IX Deped Regional Office 9 DepEd RO 9 logo
Home › Media › Regional News › “Buklat. Basa. Lakbay”

“Buklat. Basa. Lakbay”
May 9, 2023| by: Juh Misuari Dahoroy

“Buklat. Basa. Lakbay”

Isa ang Kumalarang National High School (KNHS) ng Sangay ng Isabela sa naniniwala sa  mahikang taglay ng pagbabasa.

Nitong Enero 4, 2023, kasabay ng pagbabalik-eskuwela ay pormal nang binuksan ng KNHS ang kanilang reading hub kaakibat ang programang “Buklat. Basa. Lakbay.” Pangunahing layunin ng programa na sagipin ang naghihinalong kultura ng pagbabasa ng mga kabataan na nakikitang isang malaking hadlang sa kanilang makabuluhang pagkatuto.

Sa pagbabahagi ng organizer, Teacher Juhra Dahoroy, inaasahang  pabuklat-buklat sa simula, magbabasa ng ilang pahina hanggang sa tuluyang tangayin ng tekstong binabasa at nakapaglalakbay sa bagong daigdig habang nakaupo lamang sa sulok—sa ideyang ito nabuo ang konsepto ng “Buklat. Basa. Lakbay”  bilang estratehiya sa pagpapanumbalik sa pagkahumaling ng mag-aaral sa pagbabasa.

Para sa mga guro, sa pamamagitan ng pagbabasa, malilinang ang kritikal na pag-iisip ng mag-aaral at magagamit itong tulay upang makamit ang mataas na kakayahang pang-akademiko. Isa pa sa binigyang diin sa programa ang implikasyon nitong mailalapit sa puso ng mag-aaral ang mga obra ng mga lokal na manunulat. Mapasisigla umano nito ang pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan,  at higit sa lahat, makakamit ang kamalayang kultural.

Samantala, nilinaw ng organizer na ang programang “Buklat. Basa. Lakbay” ay nahihiwalay sa remedial reading program ng paaaralan. Ito ay partikular na binalangkas para sa mga mag-aaral na mahusay nang magbasa. Sapagkat naniniwala ang mga guro na hindi lamang mga mag-aaral na may suliranin sa pagbasa ang dapat akayin maging mga mag-aaral na mahuhusay na sa pagbabasa ay naghahangad din ng kamay na aakay sa kanila tungo sa mas malawak pang daigdig.

Ayon sa punongguro, Raul A. Abasto, masiglang sinususugan ng buong KNHS teaching staff ang  programa.   Maging mga stakeholders ay nagpakita rin ng suporta, katunayan, isang book review contest na may papremyong pera ang inihain ng isang donor upang lalo umanong mahatak ang interes ng mag-aaral sa pagbabasa.

Dahil sa  pagpupunyagi ng bawat isa,  umabot ng 350 pirasong mga aklat, (nobela, young adult fictions, graphic novels, childrens’ book, story books, pinoy pop culture stories, poetry at iba pang babasahing materyales) ang nalikom ng mga guro mula sa iba’t ibang stakeholders sa loob at labas ng bansa na kanilang tiniyak na umaangkop sa edad, level at panlasa ng mga mag-aaral.

Share