Noong ika-9 ng Agosto 2024, masiglang ipinagdiwang ng Cilago Elementary School ang Buwan ng Wikang Pambansa, isang taunang selebrasyon na naglalayong bigyang halaga at ipagmalaki ang ating sariling wika. Sa temang "Wika ng Kapayapaan, Pagkakaisa, at Pagsulong," maraming makabuluhang aktibidad ang isinagawa na lubos na tinangkilik ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang baitang.
Ang mga aktibidad tulad ng paggawa ng slogan, poster making, interpretatibong pagbasa, at muling pagkukwento ay nagbigay-daan upang maipakita ng mga mag-aaral ang kanilang talento at kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino. Sa bawat pagtatanghal, naramdaman ang kanilang pagmamahal at paggalang sa sariling wika at kultura.
Si Gng. Chilge E. De Guzman, ang guro na nagsilbing tagapagpadaloy at tagapag-organisa ng nasabing okasyon, ay malugod na pinuri dahil sa kanyang sipag at dedikasyon upang maging matagumpay ang buong pagdiriwang. Sa tulong at aktibong pakikilahok ng mga guro sa bawat silid-aralan at ng ating punong-guro, matagumpay na naidaos ang mga aktibidad na nagbigay kulay at buhay sa selebrasyon.
Naging isang inspirasyon ang pagdiriwang na ito hindi lamang upang pahalagahan ang wikang Filipino kundi upang patatagin ang pagkakaisa ng bawat isa sa paaralan. Ipinakita rin ng bawat kalahok at guro na ang pagkakaisa at pagsusumikap ay susi sa isang matagumpay na pagdiriwang, na kung saan ang wika ang nagiging tulay ng pag-unlad at kapayapaan.